Dahil sa isyu ng seguridad ay nagpasya si Sen. Leila De Lima na sa gusali ng Senado magpalipas ng magdamag.
Sa kanyang pagharap sa media, sinabi ni De Lima na mas ligtas siya sa senado dahil tiyak naman umano na susuko siya bukas ng umaga.
Nauna na niyang binalak na magpalipas ng magdamag sa kanyang tahanan sa South Bay Village sa Paranaque City pero nang malaman niya na papunta doon ang mga tauhan ng PNP-CIDG ay nagpasya siyang umalis at bumalik sa kanyang tanggapan.
“Kapag pinilit nilang arestuhin ako dito ngayong gabi ay isang tahasang pambabastos na ito sa senador”, paliwanag ni De Lima.
Nauna nang sinabi ng ilang source mula sa Office of the Sergeant-at-Arms, tatlong Sports Utility Vehicles ang magkakasunod na pumasok sa parking area ng senado kung saan sinasabing isa doon ang sinakyan ni De Lima.
Pasado alas-nueve ng gabi kanina ng maireport na tatlong SUV rin ang nakitang lumabas sa South Bay Village sa Paranaque kung saan nakatira si De Lima.
Kanina ay sinabi ni Senate President Koko Pimentel na hindi nila papayagang kunin sa gusali ng senado si De Lima ng mga arresting officers.
Bukas ng umaga ay inaasahan naman ang pagdagsa ng mga tagasuporta ni De Lima sa paligid ng gusali ng senado.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.