NBI, inirekomenda na ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga suspek sa pagpatay sa Koreanong si Jee Ick Joo

By Mariel Cruz February 23, 2017 - 10:21 AM

Jee Ick-joo was allegedly abducted in October by a group that includes a policeman
Jee Ick-joo was allegedly abducted in October by a group that includes a policeman

Sa kabila ng apela ng asawa ng napatay na Koreanong negosyante na huwag pahawakan ang kidnap-slay case ni Jee Ick Joo, naglabas pa rin ang National Bureau of Investigation ng kanilang findings ukol dito.

Sa report na isinumite sa Department of Justice, inirekomenda ng NBI na makasuhan ang mga suspek sa pagdukot at pagpatay kay Jee, kabilang na ang ilang pulis.

Kabilang sa mga suspek sa kaso na pinakakasuhan ng NBI ay sina Supt. Rafael Dumlalo, Supt. Allan Macapagal, SPO4 Roy Villegas, SPO3 Ricky Sta. Isabel, Jerry Omlang, alyas Pulis, alyas Driver, alyas Tol, Gerardo Gregorio Santiago, Epehany Maraya Gotera at ilan pang ‘John Does’.

Mga kasong kidnapping with homicide, robbery with violence against and intimidation of persons, at isa pang robbery with violence against and intimidation of persons na may kaugnayan naman sa withdrawal sa ATM ni Jee at carnapping ang inirekomenda ng NBI laban kina Dumlao, Sta. Isabel, Omlang, alyas Pulis, alyas Driver at alyas Tol.

Habang si Villegas naman ay pinahaharap lamang sa mga kasong kidnapping with homicide at carnapping.

Sina Santiago naman na may-ari ng Gream Funeral Services kung saan dinala ang mga labi ni Jee at Gotera ay pinakakasuhan ng obstruction of justice.

Obstruction of justice sa ilalim ng Section 1f ng Presidential Decree 1829 ang ihahain laban kay Macapagal.

Una nang hiniling ng misis ni Jee na si Choi Kyung Jin kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng isang sulat na pigilin ang NBI sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa kaso ng kanyang asawa.

Ayon kay Choi, posibleng mayroong NBI officials na sangkot din umano sa naturang krimen.

Hindi naman sinang-ayunan ni Justice Sec. Vitaliano Aguiree II ang hiling ni Choi dahil mayroon mga hinahanap na lead materials ang NBI sa naturang kaso.

Sa findings ng NBI, nakasaad na malinaw na hinila, pinosasan at dinukot nina Sta. Isabel, Villegas, Omlang, alias Pulis at alias Driver si Jee kasama ang kasambahay na si Marisa Morquicho sa kanilang tirahan sa Angeles City, Pampanga.

Pero naging tikom naman ang bibig ng NBI sa posibleng motibo sa likod ng pagpatay kay Jee.

Nakasaad din sa report ng NBI na ninakaw pa umano ng mga suspek ang mga personal na gamit ng pamilya ni Jee.

Kabilang na dito ang mga alahas na nagkakahalaga ng P300,000, pera nagkakahalaga ng P250,000, Korean passports nina Choi at anak na si Jee Yun Hee at ang Korean Bank passbook at ID nito.

Bukod pa dito, kinuha din ng mga suspek ang Ford Explorer ni Jee at nagwithdraw sa kanyang credit card ng P80,000 sa isang ATM slot sa Greenhills, San Juan City.

Mula sa Angeles City, dinala si Jee sa PNP headquarters sa Camp Crame kung saan dito na siya sinakal hanggang sa mamatay.

Samantala, nagsasagawa na ng reinvestigation ang DOJ sa nasabing kaso, sa utos ng Angeles City Regional Trial Court Branch 58.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.