Naglatag ng guidelines ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board ukol sa kung paano makukuha ang insurance benefits ng labing limang nasawi sa malagim na aksidente sa Tanay, Rizal noong Lunes.
Ayon sa LTFRB, magsisimula ang pagre-release ng inisyal na financial assistance mula sa Panda Couch Tours bukas, alas nueve ng umaga sa LTFRB main office sa kahabaan ng East Avenue, Quezon City.
Kabilang sa mechanics sa pagkuha ng insurance benefits ay ang mga sumusunod:
1. Single victims – maaaring maging claimants ang kanilang magulang
2. Married victims – ang asawa
3. Orphan o ulila – ang kapatid
Pero bago makuha ang naturang benepisyo, kailangan nilang dalhin ang mga sumusunod na dokumento:
1. Birth certificate o marriage contract (original o certified true copy)
2. Dalawang valid IDs ng biktima at two valid IDs ng claimants (Maari itong school ID, SSS, Philpost, Passport, PRC o iba pang government-issued identification cards)
Noong nakaraang Lunes, aabot sa labing lima katao, karamihan ay mga estudyante ng Best Link College of the Philippines ang nasawi nang banggain ng sinasakyang bus ang isang poste ng kuryente habang patungo sa isang camp site sa Tanay, Rizal.
Isang araw makalipas ang aksidente, sinuspinde na ng LTFRB ang franchise ng bus company.