Libu-libong katao, pinangangambahang maaapektuhan ng malawakang pagbaha sa San Jose City, California
Ipinag-utos ang paglilikas sa libu-libong residente sa kanilang mga tirahan sa San Jose City sa northern California dahil sa malawakang pagbaha.
Ayon sa mga otoridad, nagsimulang lumala ang mga pagbaha nang magpakawala ng tubig ng Coyote Creek dahil sa ilang araw na pagbuhos ng malakas na ulan.
Ang nasabing lungsod na inaasahan na lubhang maaapektuhan ng pagbaha ay aabot sa isang milyon ang naninirahan.
Hindi bababa sa labing apat na libo katao ang apektado ng malawakang pagbaha at mahigit dalawangdaan naman ng kinailangan ilikas ng mga bumbero gamit ang inflatable boats.
Dahil din dito, pansamantalang isinara sa trapiko ang isang major highway sa San Jose.
Agad na ipinatupad ang evacuation order matapos umabot sa 13.6 feet ang lebel ng tubig sa Coyote Creek.
Ayon kay National Weather Service meteorologist Roger Gass, ito ang kauna-unahang pagkakataon na umabot sa ganoong kataas ang lebel ng tubig sa Coyote Creek at itinuturing nila itong record level.
Ito na aniya ang pinakamalalang nangyari na pagbaha sa lungsod sa loob ng isandaang taon.
Sinabi naman ni San Jose Mayor Sam Liccardo na hindi pa malinaw kung kailan nila papayagan ang mga residente na makabalik sa kani-kanilang mga tirahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.