Yasay, aminadong hindi malulutas ang South China Sea issue sa nalalapit na panahon

 

Joan Bondoc/Inquirer

Inamin ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay na malabo na maresolba sa nalalapit na hinaharap ang agawan ng teritoryo sa pagitan ng Pilipinas at China sa South China Sea.

Ito aniya ang nakikita niyang dahilan kung kaya’t mas minabuti ni Pangulong Rodrigo Duterte na isantabi na lamang ang ang naging desisyon ng UN arbitral tribunal at simulan ang pakikipag-usap sa China ukol sa isyu.

Sa pagharap nito sa kanyang confirmation hearing sa Senado, sinabi ni Yasay na dumating na sa puntong hindi na umuusad ang sitwasyon kaya’t mas minabuti ng pamahalaan na silipin ang makukuha nitong benepisyo mula sa Beijing.

Naniniwala rin ang Kalihim na wala ring balak ang China na bitiwan ang kanilang claim sa South China Sea kung pagbabatayan ang mga naging kilos at hakbang nito sa nakaraang mga taon.

Nilinaw rin ni Yasay na hindi rin opsyon sa Pilipinas na idaan sa puwersa o giyera ang sitwasyon sa South China Sea kaya’t mas mainam na isantabi na lamang muna ang isyu.

Paniniwala rin ni Yasay, wala ring legal na basehan ang Pilipinas upang angkinin ang ilang islang inaangkin rin ng China.

Paliwanag nito, nasa ilalim ng international waters ang naturang mga isla dahil hindi naman tinukoy sa desisyon ng UN tribunal ang isyu ng soberenya ng mga naturang bahura.

Read more...