Pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga security personnel ng mga residential at commercial establishments na maari silang maparusahan sa tuwing pinipigilan nila ang daloy ng trapiko para lang makapasok sa kanilang gusali ang kanilang mga tenants at customers.
Ayon kay MMDA general manager Tim Orbos, tanging ang mga tauhan lamang o iyong mga deputized lang ng kanilang ahensya ang maaring mag-mando ng trapiko, maliban na lamang kung may emergency.
Sakaling mahuli ang mga guwardya na ginagawa pa rin ang ganito, maari aniyang makasuhan ang mga ito ng usurpation of authority.
Una na ring sinabihan ng MMDA ang mga event organizers at mga establisyimento na makipag-ugnayan muna sa kanilang ahensya bago magsagawa ng mga events na dadayuhin ng maraming tao.
Ito aniya ay para hindi rin ito magdulot ng aberya hindi lang sa mga guests, kundi pati na rin sa mga motoristang madadamay sakaling bumigat ang daloy ng trapiko.