Imbestigasyon sa ‘Davao Death Squad,’ hahawakan ng komite ni Lacson

By Kabie Aenlle February 23, 2017 - 04:23 AM

lacsonNapagkasunduan na ng mga senador na dapat ipagpatuloy ng komite ni Sen. Panfilo Lacson ang imbestigasyon tungkol sa umano’y kaugnayan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sinasabing Davao Death Squad (DDS).

Ibinigay na kasi sa Senate committee on public order and dangerous drugs ang nasabing imbestigasyon para alamin ang katotohanan sa sinabi ni Arthur Lascañas na binabayaran ni Duterte ang DDS para pumatay ng mga kriminal noon.

Gayunman, sinabi ni Sen. Grace Poe na nag-aalangan si Lacson na kunin ang imbestigasyon bilang pag-respeto kay Sen. Richard Gordon na unang humawak sa pagsiyasat sa umano’y mga kaso ng extrajudicial killings.

Dahil dito, iminungkahi ni Poe na maari namang bumuo na lamang sila ng isang special committee, lalo’t ayaw na ring ipatawag muli ni Gordon si Lascañas sa committee on justice and human rights.

Paliwanag ni Poe, makakatulong ang muling pagharap ni Lascañas sa Senado upang malaman nila kung bakit bigla nitong binaliktad ang kaniyang naunang pahayag tungkol sa DDS.

Pagkakataon na rin aniya nila na masiyasat ang kredibilidad ni Lascañas, habang tinitiyak na hindi ito magiging dahilan para maabswelto ang dating pulis sa anumang krimen na kaniyang nagawa noon.

Samantala, nilinaw naman ni Lacson na hindi niya tinatakasan ang responsibilidad ng kaniyang komite na dinggin ang isyung ito, at na hindi rin naman niya tinatanggihan ang mungkahi ni Poe.

Dahil dito, sinabi ni Senate President Koko Pimentel na hindi na kailangan ng Senado na bumuo pa ng special committee para sa isyung ito.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.