Galit na binatikos ni Sen. Richard Gordon si dating SPO3 Arthur Lascañas kaugnay sa kanyang gagawing muling pagharap sa Senado kaugnay sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa mga patayan na kinasasangkutan ng Davao Death Squad na iniuugnay kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang privilege speech, tinawag ni Gordon na sinungaling at bayaran si Lascañas.
Binigyan na umano ng pagkakataon na magsabi ng katotohanan si Lascañas pero siya’y nagsinungaling sa kanyang naunang pagharap sa pagdinig ng Senate Public Order Committee.
Sinabi rin ni Gordon na ginagamit lamang ni Lascañas ang Senado para lokohin ang publiko.
Makalipas ang labing-apat na taon ay bakit ngayon lang daw magsasalita si Lascañas kaugnay sa kanyang pagkakangkot sa pagpatay sa mediaman na si Jun Pala.
Kung dati ay nagsinungaling si Lascañas ay ano daw ang kasiguruhan na hindi siya magsisinungaling sa kanyang susunod na mga testimonya sa Senado.
Nagulat din umano siya dahil sa ginanap na caucus ay nakakuha ng sapat na suporta mula sa kanyang mga senador ang nasabing dating pulis.
At ang kanyang mas lalong ikinagulat ay bakit lumabas sa media ang kanilang mga napag-usapan sa nasabing caucus.
Inihalintulad rin ni Gordon si Lascañas sa isang “juke box” na dedepende ang kanyang kanta sa inihulog na barya o kabayaran.
Sa kanyang personal na pananaw, naniniwala si Gordon na binayaran si Lascañas para magbago ng kanyang mga pahayag na kabaliktaran ng kanyang mga naunang sinabi sa Senado.