TRAFFIC SA EDSA, SUKDULAN NA – ni Jake Maderazo

August 17, 2015 - 06:41 AM

jake 2Kapag rush hour sa hapon at gabi, hindi lamang dalawa kundi tatlong oras ka pang aabutin mula Buendia Avenue papuntang North Edsa sa Quezon City. Sa umaga naman ganoon din, mula Quezon Avenue hanggang sa Pasay City, gapang ang mga sasakyan.

Meron bang ginagawa ang MMDA? Sa nakalipas bang limang taon ay meron bang aksyon ang Malacanang dito?

Nitong Biyernes, humingi ng paumanhin si Deputy Spokesperson Abigail Valte sa mamamayan at sinabing magbigay na lang tayo ng sapat na “time allowance” kung sasabak tayo sa traffic.

Tumanggap kasi sila ng report na maraming mga pasahero sa NAIA ang hindi umabot sa kanilang flight dahil sa sobrang traffic. Kaya rin siguro tayo natalo ng China sa FIBA 2019 dahil sa ating road infrastructure.

Meron namang ginagawang “long term solutions” sa problema ng traffic para mas mabilis ang biyahe mula Makati, QC hanggang NAIA at ito ang Skyway 3 ng San Miguel Corporation.

Ito’y manggagaling ng Balintawak-Araneta-Nagtahan-Quirino Ave-South Superhighway-Buendia-SLEX. Magiging mabilis talaga ang biyahe at halos 15 minuto lang daw sa halip na dalawang oras mula QC hanggang Makati.

Pero dahil ito ay toll road, siyempre meron itong bayad. Kapag natapos iyan sa Abril 2017, tiyak luluwag na ang Edsa at C5 dahil iba na ang dadaanan ng mga provincial buses at truck mula NLEX hanggang SLEX at konektado rin ito sa ginagawang NAIA Expressway.

Sabi nga ni SMC Chair Ramon S. Ang, baka mapaaga pa itong matapos at sa 2016 ay pwede nang gamitin.

Samantala, parusa pa rin ang EDSA at ang matindi pa nito, mukhang hindi na agresibo ang MMDA sa mga lantarang traffic violations sa EDSA. Katulad na lang ng mga “bottlenecks” sa mga flyovers at tunnels kung saan talamak ang “swerving” kaya naman lalong nagtatambak ang mga sasakyan.

Wala naman tayong makitang tao ng MMDA na mahigpit na nagmamando lalo na sa panahon ng rush hour. Totoong mabilis silang rumesponde sa mga nasiraan o kaya ay naaksidente, pero dapat maging kamay na bakal sila sa mga abusadong mga motorista maging pribado o public utility.

Iyong mga bus ngayon, parang hindi na masyadong sinisita ng MMDA, ganoon din ang mga private motorists na pumupunta sa mga yellow lane.

Hindi na rin hinuhuli ang mga motorcycle riders na bigla na lang sumusulpot kung saan-saan kaya nadidisgrasya. Sa madaling salita, hindi lamang “volume” ng traffic ang problema sa EDSA, meron ding malaking problema doon ng “breakdown sa traffic law enforcement.”

Sa totoo lang, walang dapat sisihing iba dito ang MMDA kundi sari nila. Ito’y dahil sa sila ang may hurisdiksyon sa mga “national road” tulad ng EDSA,Quezon Ave. Roxas Blvd at iba pa.

Pero sa loob ng dalawa hanggang tatlong oras kaming nata-traffic araw gabi sa Edsa, kapansin-pansin na kokonti lamang o halos wala ang mga MMDA enforcers na gumagabay sa buhul-buhol na trapiko.

Kahit man lang sana sa mga unahan ng mga flyover at tunnel, makita sila pero, wala. Samantalang santambak silang nanghuhuli ng mga overspeeding sa Commonwealth Ave at sumisita sa mga trak sa Roxas Blvd at Balintawak. Bakit kaya?

Naalala ko tuloy noong panahon ni dating Chairman Bayani Fernando, kahit nagdurusa ang tao sa traffic, alam mong nanghuhuli kaliwa’t kanan ang mga MMDA enforcers.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.