Field trips, hindi dapat mandatory at batayan ng grado ayon sa DepEd
Nagpaalala ang Department of Education na hindi mandatory ang mga educational tour at hindi pagbabatayan sa ibibigay sa grado sa estudyante.
Ito ang pahayag ng DepEd kasunod ng field trip na nauwi sa malagim na aksidente sa Tanay, Rizal kung saan aabot sa labing lima ang nasawi.
Sa isang panayam, sinabi ni DepEd Planning and Field Operations Usec. Jesus Mateo na hindi dapat ginagawang mandatory ang field trip at hindi dapat pinipilit ang mga estudyante sa pagsama sa ganitong aktibidad.
Hindi rin aniya dapat gawing basehan ito sa ibibigay na grado at ang dapat na kinokonsidera dito ay ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Kinakailangan din aniya na may kasamang guro at magulang sa mga field trip, depende sa dami o bilang ng mga estudyante.
Sinabi din ni Mateo na tungkulin ng paaralan na ipaalam sa mga magulang ang anumang aktibidad ng eskwelahan sa pamamagitan ng isang parent-teacher conference at hindi lamang basta sa pagbibigay ng sulat.
Kapag magdadaos ng field trip, sinabi ng DepEd na hindi dapat ito gawin sa mga mall, TV shows at malalayong lugar at higit sa lahat, hinihikayat ang mga paaralan na humanap ng sponsor para hindi na sagutin ng magulang ang mga gastusin sa aktibidad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.