Isang milyong piso, inilaan para sa selebrasyon ng EDSA People Power anniversary
Isang milyong piso lamang ang inilaan ng Malacañang para sa pagdiriwang ng ika-31 anibersaryo ng EDSA people power anniversary.
Una nang sinabi ng Palasyo na gagawin lamang nilang payak ngunit makabuluhan ang pagdiriwang.
Ngunit nalungkot naman dito si Vice President Leni Robredo dahil aniya, marapat lang na mabigyan ng “more dignified treatment” ang pagdiriwang.
Aniya, ang tahimik na pagdiriwang ay mistulang sumisimbolo sa pag-‘move on’ mula sa nakaraan na dapat ay patuloy na inaalala.
Sinabi naman ni Presidential adviser on entrepreneurship Joey Concepcion III na dapat ay isantabi na ang isyu ng paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, na una nang pinahintulutan ng Korte Suprema.
Ang pagdiriwang aniya ay isang araw ng pagbabalik-tanaw sa mga aral na iniwan ng mapayapang rebolusyon.
Para kay Concepcion, mas dapat pagtuunan ng pansin at tugunan ang nararanasang kahirapan ng maraming Filipino kesa ang mga isyu na nagiging dahilan ng pagkakawatak-watak ng isang bansa.
Si Concepcion ang itinalagang Deputy chief ng EDSA People Power Commission na lead organizer ng pagdiriwang ng anibersaryo ng 1986 revolution.
Samantala, hindi pa tiyak kung makakadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa taunang paggunita sa nasabing aktibidad.
Si Duterte ang inaasahan na magiging keynote speaker sa anibersayo ng EDSA People Power ngayong taon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.