Isabela, isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding tag-tuyot
Nag-deklara na ng state of calamity ang lokal na gobyerno ng Isabela dahil sa mahabang tag-init na ikinasira ng mga tanim na mais sa probinsya na nagkakahalagang P705 million.
Ayon sa provincial agriculturist ng Isabela na si Danilo Tumamao, tinatayang 55,000 metric tons ang mga nasirang mais dahil sa kawalan ng malakas na ulan sa probinsya nitong mga nagdaang buwan.
Dagdag pa niya, inaasahan nilang hindi na makakamit ang target na kita sa industriya ng pagtatanim ng mais dahil sa mahinang ani na maaari pang magpataas ng kanilang pagkalugi hanggang P1 billion.
Nasa 23 bayan ang labis na apektado ng matinding tag-init, pati na rin ang mga lungsod ng Ilagan at Cauayan.
Ang kanilang ikalawang distrito aniya ang nakaranas ng pinakamalaking pagka-lugi na nagkaka-halagang P197 million.
Ayon naman kay Vice Governor Antonio “Tonypet” Albano, pag-uusapan pa ng mga board members kasama si Gov. Faustino Dy III kung anong klase ng tulong ang ibibigay nila sa mga naapektuhan ng dry spell./Kathleen Betina Aenlle
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.