Minulto ng kaniyang mga pagkakamali at konsensya ang retiradong pulis na si Arturo Lascañas kaya siya bumaliktad at umamin na naging bahagi talaga siya ng Davao Death Squad (DDS).
Ayon kay Magdalo partylist Rep. Gary Alejano, sumailalim sa malaking operasyon si Lascañas noong nakaraang taon, at habang nagpapagaling siya sa ospital, nagparamdam umano ang multo ng isang batang pinatay niya noon dahil sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya, mahirap man paniwalaan, sa tingin niya ay may kinalaman ang pag-amin ni Lascañas sa pagsisisi niya sa kaniyang mga kasalanan sa nakaraan.
Nang kausapin naman ng Inquirer ang human rights lawyer na si Atty. Jose Manuel Diokno, sinabi niyang ganoon rin ang kaniyang pagkaka-intindi sa sitwasyon.
Hindi man tiyak ni Diokno kun kailan naganap ang operasyon kay Lascañas, naniniwala siyang ang “spiritual awakening” na ito ang nagtulak sa dating pulis na umamin at bawiin ang kaniyang mga sinabi noon.
Una na kasing itinanggi ni Lascañas ang pagkakasangkot niya sa DDS, kung saan inilaglag rin siya ng whistleblower na si Edgar Matobato.
Kamakailan ay inamin na ni Lascañas na naging bahagi siya ng DDS at na si Duterte ang nag-uutos ng mga pagpatay.