Daan-daang tao ang napatay ng DDS-Lascañas

 

Hindi lamang isa o dalawa kung hindi nasa ‘daan-daan’ umano ang bilang ng mga napatay ng Davao Death Squad (DDS).

Ito umano ang isiniwalat ni retired SPO3 Arthur Lascañas sa kanyang abugadong si Atty. Alex Padilla ng Free Legal Assistance Group (FLAG) bilang bahagi ng pagsisiwalat nito sa kanyang nalalaman sa mga kaso ng pagpatay ng DDS.

Ang ilan sa mga ito aniya ay idinetalye ni Lascañas sa kanyang sinumpaang salaysay.

May posibilidad aniyang maglabas ito ng isa pang affidavit upang isiwalat ang kanyang nalalaman sa marami pang kasong pagpatay noong alkalde pa ng Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte.

Kahapon, nagbotohan sa isang caucus ang mga senador at sampu sa mga ito ang pumabor na payagang humarap muli sa pagdinig sa Senado si Lascañas sa isyu ng DDS.

Ang Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs ni Senador Panfilo Lacson inaasahang mangunguna sa pagdinig sa susunod na Linggo.

Bukod kay Lascañas, pinaplano rin ni Lacson na ipatawag sin dating Davao City police chief at dating aide ni Pangulong Duterte na si SPO4 Sonny Buenaventura.

Matatandaang lumantad muli si SPO3 Lascañas at sinabing totoong mayroong DDS at isa siya sa mga lider nito taliwa sa kanyang naging testimonya sa senate hearing.

Kanyang ibinunyag rin na kumikilos ang DDS base sa utos ni Duterte.

Ang DDS din aniya ang may kinalaman sa pagpatay sa mediaman na si Jun Pala at isang hinihinalang drug lord sa Davao at buo nitong pamilya.

Read more...