Pagdinig sa mga kaso kay Palparan atbp, muling naunsyame

Inquirer file photo

Naurong na naman ang pagdinig sa kasong kidnapping at serious illegal detention laban kay retired Maj. Gen. Jovito Palparan kasama ang dalawa pang sundalo.

Humiling kasi ang bagong judge na hahawak sa mga nasabing kaso nina Palparan ng karagdagan pang panahon para paghandaan at pag-aralan pang mabuti ang mga court records.

Si Judge Alexander Tamayo ng Bulacan regional Trial Court Branch 15 ang pumalit kay RTC Branch 14 Judge Teodora Gonzales na bumitiw sa kaso nitong nakaraang buwan lamang.

Noong July 13 ipinagkaloob ni Gonzales ang inihaing motion for inhibition ni Atty. Bonifacio Alentajan, abogado ni S/Sgt. Edgardo Osorio na isa sa mga nasasakdal.

Ayon kay Alentajan, hindi na nagiging patas sa paghuhusga ni Gonzales sa kaso.

Bagaman pinabulaanan ni Gonzales ang mga paratang ni Alentajan, kusa na lamang nagbitiw si Gonzales sa kaso sa ngalan ng integridad at respeto sa hudikatura.

Dahil dito ipinasa ang kaso kay Tamayo noong August 3, kung kaya’t imbis na sa Lunes na magpapatuloy ang pagdinig sa kaso, naurong ito at naging September 10 na.

Ang mga isinampang kaso kina Palparan, Osorio, Lt. Col. Felipe Anotado at M/Sgt. Rizal Hilario ay kaugnay sa pagkawala ng mga mag-aaral ng University of the Philippines na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño na huling namataan sa Hagonoy, Bulacan.

Samantala, tanging sina Palparan, Osorio at Anotado lamang ang mga isasailalim sa trial dahil hindi pa rin naa-aresto si Hilario./Kathleen Betina Aenlle

Read more...