May lusot umano si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdidiin sa kanya ni SPO3 Arturo Lascañas sa mga kasong kinasasangkutan ng Davao Death Squad o DDS.
Ayon kay Kabayan Partylist Rep. Harry Roque, hindi basta-bastang maisasabit ang pangulo sa mga isiniwalat ni Lascañas dahil sa “Principle of res inter alios acta” kung saan ang isang indibidwal ay hindi maaaring panagutin sa pinasok na kasunduan ng iba.
Sa statement ni Lascanas nang humarap sa media kahapon, ang umano’y pa-trabaho ni Duterte na patayin ang target ng DDS ay ipinapasa sa kanila ng pinuno ng grupo.
Kumbinsido naman si Roque na walang kredebilidad ang public confession ni Lascanas dahil halatang pabago-bago lamang ito ng pahayag.
Duda rin ang mambabatas sa flip-flopping ni Lascañas dahil ginawa ito kasunod ng pagsasampa ng kaso laban kay Senador Leila De Lima at kasama pa nito sa pulong balitaan si Senador Antonio Trillanes na kilalang matinding kritiko ni Pangulong Duterte.
Giit ni Roque, si Lascanas ay dapat umanong arestuhin at kasuhan ng murder dahil kusa nitong inamin ang mga kaso ng pagpatay.