1 patay, 6 dinukot ng mga pirata sa Sulu

sulu seaIsang tripulante ng isang Vietnamese vessel ang pinatay habang anim na iba pa ang dinukot ng mga hinihinalang pirata sa dagat ng Sulu.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commander Armand Balilo, inatake ng mga armadong kalalakihan ang Vietnamese flag vessel na MV Giang Hai na sinasakyan ng 17 tripulante.

Nangyari ang insidente dakong alas-7:00 ng gabi ng Linggo sa 17 nautical miles, hilaga ng Pearl Bank sa Sulu.

Naisalba aniya ng mga tauhan ng PCG ang 10 tripulanteng Vietnamese matapos abandonahin ng mga pirata ang vessel malapit sa Baguan Island sa Tawi-tawi.

Ayon pa sa PCG, nagmula sa Indonesia ang nasabing vessel at may dalang mga semento habang patungong Iloilo.

Natimbrehan agad ng Vietnamese Coast Guard ang PCG tungkol sa insidente, kaya agad na rumesponde at nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan nila sa Taganak, Tawi-tawi.

Ani pa Balilo, naglabas na sila ng notice to Mariners, at nag-lunsad na rin ng pursuit operation katuwang ang mga sundalo at pulis sa lugar.

Hindi pa natutukoy ng otoridad ang grupong nasa likod ng pag-atake ngunit kilala ang Sulu bilang lugar kung saan laganap ang operasyon ng Abu Sayyaf group.

Read more...