Iginagalang ng Congressional Spouses Foundation Incorporated o CSFI ang desisyon ni House Speaker Pantaleon Alvarez na alisan sila ng opisina sa loob ng Batasan Complex.
Sa kauna-unahang pagharap sa media, nagpaliwanag ang misis ni Alvarez na si Mrs. Emelita Alvarez hinggil sa pasya ng kanyang mister.
Ayon kay Ginang Alvarez, naiintindihan ng CSFI ang hakbang ng speaker at hindi rin daw masama ang kanilang loob.
Batid umano nila na mahigpit ang pangangailangan sa espasyo sa Kamara dahil dumadami ang House members at nadagdagan pa ang deputy speakers na dapat bigyan ng malalaking opisina.
Tanggap din umano nila na bahagi ito ng cost cutting ng Duterte administration.
Nilinaw pa nito na hindi naman niya inaway ang asawang si Speaker Alvarez nang malaman na pinaaalis na ang CSFI sa Batasan Pambansa at balewala rin daw sa kanya ang tsismis na may gusto lamang itago sa kanya ang mister kaya siya inaalisan ng tanggapan.
Ayon kay Mrs. Alvarez, ang CSFI ay hiwalay na entity sa Lower House at sila ay may sariling mga proyekto kung saan ka-partner nila ang pribadong sektor.
Sa kabila nito, sinabi ni Ginang Alvarez na wala pang paglilipatan ang CSFI pero balak nilang maglipat-opisina sa recess ng session sa Marso.