‘Wala akong 200 taxi units’ – Kris Aquino

Mula sa inquirer.net

‘Mariing pinabulaanan ng presidential sister at aktres na si Kris Aquino ang mga alegasyong ibinabato sa kanya na makikinabang siya sa kontrobersyal na bagong proyekto ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na ‘Premium Taxi Service’.

Ito ay matapos lumabas ang mga espekulasyon na bumili umano ang ‘Queen of All Media’ ng dalawandaang sasakyan na gagamitin bilang ‘Premium Taxi’ ng LTFRB.

Bagama’t kinumpirma ni Kris na isa siya sa mga investors sa taxi company ng aktor na si Luis Manzano na LBR Transport Incorporated, iginiit nito na wala siyang investment sa naturang proyekto ng LTFRB.

Ayon kay Kris, walang katotohanan na nagmamay-ari siya ng ganoong kadami na sasakyan at ng isang taxi company na magpapatakbo ng mga ‘Premium Taxi’.

Hamon ng aktres, siguraduhin muna na may katotohanan ang mga impormasyon na ibinabato sa kanya bago ito ipagkalat.

Hindi naman pinangalanan ni Kris ang nasa likod ng nagpapakalat ng malisyosong alegasyon laban sa kanya at iginiit na ang kanyang kinikita ay galing sa malinis na trabaho.

Noong nakaraang linggo, naging kontrobersyal ang paglikha ng LTFRB ng ‘Premium Taxi’ kung saan lumalabas na ginawa umano ito ng ahensya para palitan ang iba pang app-based transport service katulad ng Uber at Grabcar.

Maaari lamang mabigyan ng prangkisa ang isang operator ng ‘premium taxi’ kung nagmamay-ari siya ng hindi bababa sa dalawampu’t limang unit ng mga bagong Sedan na may 2.0 engine displacement./ Mariel Cruz

 

 

Read more...