Sinagot ni Presidential Communications Office Sec. Martin Andanar ang isyu kaugnay sa kanyang naging pahayag may kaugnayan sa $1,000 na umano’y ipinamigay sa ilang reporters na nag-cover sa presscon ni Sen. Antonio Trillanes.
May kaugnayan ito sa ginawang pagharap sa media ni SPO3 Arturo Lascañas kung saan ay idinetalye niya ang pagkakaugnay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao Death Squad.
Sa panayam ni Pinky Webb sa CNN Philippines ay sinabi ni Andanar na may mga impormasyon siyang nakuha na may grupo ang nag-alok ng $1,000 sa ilang reporter para i-cover ang presscon.
“Kaya ito po ay kasama na rin po sa plano, at mayroon din po tayong mga natanggap na mga report, Pinky, na as much as 1,000 dollars ang ipinamigay dito sa presscon na ito, hindi ko na lang po papangalanan yung aking source, pero mayroon daw pinagbibigyan ng ganito kalaking halaga ng pera para lamang i-cover ito”, ayon sa opisyal.
Dagdag pa ni Andanar, “Nanggaling ito kung sinuman ang nagsimula, alam mo mahirap din sabihin kung kanino nanggaling, kung sasabihin natin kay… sa taong ito, mahirap magbigay ng ano, pero kung sino man ang naninira sa ating Pangulo, ay those who are opposing this administration na nangunguna diyan sa nangyari na nga diyan sa may presscon na iyan, yung balita kumakalat na itong one thousand dollars, ino-offer diumano sa mga reporter”.
Ipinaliwanag rin ni Andanar na hindi siya tiyak kung may kaugnayan si Sen. Antonio Trillanes sa nasabing pamimigay ng pera, “I cannot categorically say na galing Senator Trillanes, basta ang sabi lang po ng aking source diyan sa Senado na mayroong pera na ganoon na umiikot. Pero I would like to categorically say also na hindi naman sinabi kung tinanggap yung pera na yun”.
Kanina ay pumalag ang mga Senate Media members at hiningi nila na mag-public apology si Andanar kaugnay sa kanyang naging pahayag.
Ang buong transcript ng interview ng CNN Philippines sa kalihim ay inilagay ni Andanar sa kanyang Facebook account.