Sorpresang drug test sa mga PU drivers, dapat ipatupad-PDEA

August 16, 2015 - 08:14 PM

File photo

Nananawagan ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa lider ng mga transport sectors at bus companies na obligahing sumailalim sa drug testing ang kanilang mga miyembro.

Ito ay kasunod ng malagim na aksidenteng kinasangkutan ng Valisno bus sa Quirino Highway sa Quezon City na kumitil sa buhay ng tatlong katao at kung saan ay nagpositibo naman sa paggamit ng droga ang driver ng naturang bus.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ng tagapagsalita ng PDEA na si Glenn Mapalad na marapat na isailalim sa naturang testing ang mga nagmamaneho ng mga pampublikong sasakyan lalo na’t buhay ng mga inosenteng tao ang kanilang inilalagay sa kapahamakan.

“Nananawagan kami sa mga bus companies na i-encourage nila yung mga nasasakupan nila na i-submit ang kanilang sarili sa drug testing upang malinis po natin ang mga bus drivers, konduktor at mga kumpanyang may trabaho na ganito” ani Mapalad.

Mas maigi rin aniya na surprise drug testing ang isagawa sa mga drivers upang hindi nila malaman kung kailan mangyayari ang naturang testing at mas malaki ang tiyansa na ma-detect agad ito.

Iginiit din ni Mapalad na may kapangyarihan ang Land Transportation Office na magsagawa ng random terminal inspections at quick random drug test sa mga public utility drivers at transport companies.

Maaari din aniya humiling sa Department of Health ang may-ari ng mga bus companies na magsagawa ng drug testing sa kanilang mga nasasakupan./ Mariel Cruz

 

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.