Lebron James, binayaran ang matrikula ng 1,100 college students sa Akron, Ohio

August 16, 2015 - 05:39 PM

Mul sa @LJFamFoundation

Sasagutin ng basketball star na si LeBron James ang pag-aaral ng may 1,100 estudyanteng kabataan sa kanyang hometown sa Amerika.

Nakipagkasundo na si LeBron sa University of Akron sa Ohio upang mapag-aral ng libre sa kolehiyo sa loob ng apat na taon ang mga karapat-dapat na estudyante sa ilalim ng “I Promise Program”.

Ang “I Promise Program” ay bahagi ng LeBron James Family Foundation na ang pangunahing misyon ay ang positibong impluwensyahan ang mga kabataan sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na edukasyon at iba pang co-curricular initiatives.

Matagal at malalim na ang naging ugnayan ng Cleveland Cavaliers player sa naturang unibersidad dahil bukod sa bahagi ito ng kanyang hometown, makailang ulit siyang naglaro doon ng basketball bago pa man sumikat sa naturang larangan.

Sa ilalim ng kasunduan, sasagutin ng four-time MVP ang tuition at general service fees ng 1,100 mag-aaral.

Bawat isang estudyante ay tatanggap ng $US 9,500 kada taon bilang scholarship grant.

Sa kabuuan, aabot sa US$42 million ang kabuuang gastos sa proyektong isusulong ni Lebron.

Paliwanag ni James, excited siya na makita ang gagawing pagpupursige ng mga estudyanteng nais na magkaroon ng pagkakataong makapag-kolehiyo ng libre.

Ang unang batch ng mga estudyante na magiging eligible para sa scholarship ay ga-graduate sa taong 2021.

Bilang pagkilala kay James, papangalanan ng University ang kanilang education department bilang LeBron James Family Foundation College of Education./ Jay Dones

 

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.