Pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang ginanap na “Walk for Life” sa Quirino Grandstand, Luneta Park kaninang madaling-araw.
Alas-singko ng umaga kanina ay nagtipun-tipon sa lugar ang mga kalahok sa nasabing walkathon na naglalayong magpakita ng pwersa kontra sa isinusulong ng pamahalaan na pagbuhay sa death penalty.
Karamihan sa mga lumahok ay mag-aaral mula sa iba’t ibang mga Catholic schools sa Metro Manila kasama ang kanilang mga kapamilya.
Pero naging sentro ng atensyon ang pagdating sa event ni Sen. Leila De Lima.
Hindi na nagpa-unlak ng media interview ang mambabatas pero marami sa mga dumalo sa walkathon ang nagpa-selfie sa kanya.
Nauna nang sinabi ni De Lima na isa siya sa mga haharang sa muling pagbuhay sa death penalty at kritiko ng mano’y extra judicial killings na kagagawan ng mga tauhan ng pamahalaan na bahagi ng kanilang war on drugs.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Archbishop Soc Villegas na paunang bahagi pa lamang ito ng kanilang pagpapakita ng pwersa para harangin ang parusang bitay sa bansa.