Mga kasong carnapping at robbery kaugnay ng Jee slay, hindi bibitiwan ng NBI
Ipagpapatuloy ng National Bureau of Investigation ang imbestigasyon kaugnay sa mga kasong carnapping at robbery na isinampa ng biyuda ng napatay na Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, hindi niya ipapahinto ang imbestigasyon dahil may mga sinusundan nang leads ang NBI na makakatulong dito.
Malabo aniyang mangyari ito, kahit pa mismong ang misis ni Jee na si Choi Kyung Jin ang nakiusap na kay Pangulong Rodrigo Duterte na ilayo na sa NBI ang imbestigasyon dahil wala na siyang tiwala na maitataguyod nito ang isang “impartial investigation.”
Katwiran ni Choi, ilang opisyal ng NBI rin ang hinihinalang sangkot sa pagdukot at pagpatay sa kaniyang asawa kaya hindi niya maipagkakatiwala ang imbestigasyon sa mga ito.
Nagsabi na rin siya kay NBI Director Dante Gierran na iniaatras na niya ang mga kasong isinampa niya sa NBI National Capital Region na pinamumunuan ni Ricardo Diaz, na isa rin sa mga nasibak sa pwesto dahil sa insidente.
Dahil dito, hiniling ni Choi na tanging Philippine National Police Anti-Kidnapping Group na lamang sa imbestigasyon, at na ibigay na lang ng NBI ang mga resultang hawak nila sa nasabing sangay ng pulisya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.