Mga sumukong drug users sa QC, posibleng pagtrabahuhin sa MRT-7
Oras na matapos nila ang kanilang rehabilitasyon, posibleng maging empleyado para sa ginagawang Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) ang mga sumukong drug users sa Oplan Tokhang sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte, nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng San Miguel Corp. (SMC) na siyang gagawa sa nasabing MRT-7 project.
Aniya, sarado na ang kasunduan, pero isinasa-pinal pa nila ang ibang detalye tulad ng kung ilang surrenderers ang kukunin nila para mag-trabaho, at kung anong uri ng trabaho ang ibibigay sa kanila.
Sa ngayon aniya ay binubuo na ang isang memorandum of agreement na nakatakdang mapirmahan sa susunod na linggo.
Ayon naman kay Quezon City Police District (QCPD) C/Supt. Guillermo Eleazar, maaring mag-trabaho ang mga surrenderers bilang utility, flagmen o construction workers depende sa kanilang kakayanan.
Nasa 300 surrenderers na aniya ang kanilang na-profile at gagamitin na nila ang mga impormasyong kanilang nakalap para mabigyan ng trabaho o pangkabuhayan ang mga ito sa kanilang lungsod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.