Patay sa car bomb attack sa Baghdad, umabot na sa 59
Umakyat na sa 59 ang naitalang patay sa nangyaring car bomb attack sa Baghdad, Iraq, habang 66 katao naman ang napaulat na nasugatan.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, agad na napatay ang 55 katao sa pag-atakeng naganap sa isang auto dealership noong Huwebes, na inako ng Islamic State group.
Sa isang pahayag ng Islamic State, sinabi nilang pinasabog ng kanilang mga fighters ang mga bomba gamit ang isang naka-paradang sasakyan na nasa pagtitipon ng mga Shiites sa Fifth Police district.
Kamakailan ay halos araw-araw na ang ginagawang pag-atake ng naturang extremist group sa Baghdad, sa kabila ng pag-sugod sa kanila ng mga militar sa iba pang bahagi ng bansa.
Kabilang dito ang city of Mosul kung saan nagpapatuloy ang major operation ng US-backed Iraqi forces laban sa IS militants mula pa noong Oktubre.
Nagpahayag naman ang spiritual leader ng mga Shiite sa Iraq na si Grand Ayatollah Ali al-Sistani ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima ng pambo-bomba.
Kasabay nito ay nanawagan rin siya sa mga otoridad o sa mga taong responsable sa paggawa ng desisyon na tiyakin ang seguridad ng mga tao.
Kinondena rin ng US State Department ang nasabing pag-atake, na tinawag nilang “utter contempt for human life.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.