Lahat ng impormasyon sa kaniyang net worth, ipinalalabas ni Duterte sa AMLC

duterte mahirapBAGUIO CITY – Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na ilabas ang lahat ng impormasyon kaugnay ng kaniyang taglay na yaman o net worth.

Ito ay upang matapos na umano ang pag-kwestyon sa kaniyang mga taglay na ari-arian at yaman kasunod ng muling pagbuhay ni Sen Antonio Trillanes IV sa nasabing usapin.

Sa isang dinner sa Baguio Country Club, Biyernes ng gabi kasama ang PMA Class 1967, tiniyak ni Pangulong Duterte na hindi niya kailanman hihiyain ang klase na nag-adopt sa kaniya.

Muling iginiit ng pangulo na “rehash” lamang ang sinasabi ni Trillanes hinggil sa kaniyang yaman at maliwanag na may bahid pulitika ito.

Nanindigan rin si Pangulong Duterte sa harap ng PMA class 67 na kung sinuman sa kaniyang miyembro ng pamilya, o maging siya, ang mapatunayang may iligal na yaman, makasisiguro aniya ang mga tao sa kaniyang salita na siya ay magbibitiw sa pwesto.

Sinabi pa ng pangulo na wala siyang anumang voucher na pinirmahan para sa kaniyang sarili at tanging ang opisyal na sweldo ng presidente lamang ang kaniyang tinatanggap.

Hindi rin aniya siya tumanggap ng anumang allowance at mananatiling ganito hanggang sa pagtatapos ng kaniyang termino.

Tiniyak ng pangulo na mas magiging matindi ang laban ng gobyerno sa kurapsyon at kailangan niyang magsilbing halimbawa sa publiko.

Read more...