Makalipas ang apat na araw nang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa isyu, sinabi ni Senator Richard Gordon na marami nang nabunyag sa isyu.
Malinaw na ayon kay Gordon na tumanggap ng P50 milyon ang dalawang dating associate commissioners ng BI na sina Al Argosino at Michael Robles na binitbit pa nila palabas ng City of Dreams.
“Lumabas na talagang nakakuha sila ng P50M. Ang nakakagimbal, nakita mo buhat-buhat nila yung limang bag,” sinabi ni Senator Gordon sa panayam ng Radyo Inquirer.
Sinabi ni Gordon na tiyak nang may pananagutan sina Argosino at Robles, habang si dating acting Immigration Intelligence Chief Charles Calima Jr. ay maaring may pagkakamali rin at mananagot kung hindi niya maipapaliwanag at maipagtatanggol ng tama ang sarili.
Ayon sa senador, kabilang sa mga kasong maaring maisampa laban sa mga sangkot na indibidwal ay bribery, indirect bribery, dereliction of duty, corruption of officer at iba pa.
Sa pagbabalangkas naman ng batas, maari aniyang mapag-aralan ang batas para sa offshore gaming upang mai-regulate ito ng maayos.
“Tuloy tuloy iyan sa Ombudsman, ang NBI humihingi na sa atin ng mga nakalap natin. Sa akin napakalakas ng kaso dito at maraming tatamaan. Bribery, indirect bribery, dereliction of duty, corruption of officer,” dagdag pa ni Gordon.