Libu-libong mining workers sa Surigao Del Sur, nag-rally kontra mine closure
Hindi bababa sa anim na libong mga manggagawa sa mga minahan, mga katutubo at ibang mga kinatawan ng iba’t ibang sektor ang nag-rally sa gitna ng ulan sa Cantilan, Surigao Del Sur bilang protesta sa pagpapasara ni Environment Secretary Gina Lopez sa higit 20 minahan sa bansa .
Sa naturang lalawigan matatagpuan ang tatlo sa 23 minahan na ipinasara ni Lopez, kabilang na ang dalawa sa bayan ng Carrascal at isa sa bayan ng Cantilan.
Giit ng grupo, hindi makatarungan ang ginawang hakbang ni Secretary Lopez na labis na nakakaapekto sa kanilang kabuhayan.
Marami anila sa kanilang mga pamilya ang muling magugutom at mapipilitang mamundoik muli kung mawawalan ng trabaho bunga ng closure order.
Ayon naman sa lokal na mga opisyal ng Cantilan, aabot sa pitong libong manggagawa ang mawawalan ng trabaho sa kanilang lugar.
Batay sa datos ng Mines and Geosciences Bureau, umaabot sa 300,000 manggagawa ang nagtatrabaho sa mga minahan sa lalawigan.
Ayon naman kay Surigao del Sur Gov.Vicente Pimentel, sakaling tuluyang matigil sa operasyon ang mga minahan sa lalawigan, babagsak ang taunang kita ng lalawigan sa mula sa P210 milyong tungo sa halagang P1.5 milyong piso na lamang.
Dahil dito, nakatakdang maghain ng petisyon sina Pimentel upang himukin ang pagpapatalsik sa puwesto kay Lopez sa DENR.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.