Prusisyon ni Sto. Niño de Cebu sa Pasig River, dinaluhan nina Kid Peña at Junjun Binay
Ipinasyal ng mga deboto ang imahe ng Sto. Niño de Cebu sa ilog Pasig bilang bahagi ng pagbisita nito sa kauna-unahang pagkakataon sa Metro Manila.
Dakong alas-8:30 ng umaga, isinakay sa ferry sa Intramuros, Maynila ang imahe at ibinyahe patungong Nuestra Señora de Gracia Parish sa Guadalupe Viejo, sa Lungsod ng Makati.
Sinamahan ang imahe sa kanyang fluvial procession ng may 7 bangka at ng mahigit-kumulang na 200 deboto.
Makalipas ang mahigit isang oras na paglalakbay sa ilog Pasig, nakarating ang poon sa Ferry Terminal ng Guadalupe Viejo, Makati kung saan sinalubong ito ng mga deboto at maging ng ilang mga pulitiko kabilang na sina suspended Makati Mayor Junjun Binay at Makati OIC Mayor Kid Peña.
Mananatili ang Sto. Niño de Cebu sa Nuestra Señora de Gracia Parish hanggang bukas.
Pagkatapos nito, dakong alas 8:00 ng umaga bukas, magmomotorcade naman ang mga deboto kasama ang imahe patungong Sto. Niño de Cebu Parish sa Biñan City, Laguna.
Ang imahe ang pinakamatandang religious relic sa buong Pilipinas na naging bahagi pa ng expedition ni Ferdinand Magellan na aksidenteng nakadiskubre ng Pilipinas noong 1521./ Jay Dones
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.