Inamin ni dating Philippine National Police (PNP) officer Wenceslao “Wally” Sombero na P100 Million ang hinihingi ni dating Bureau of Immigration Deputy Commisioner Al Argosino para sa pagpapalaya sa 1,316 Chinese workers na emplaydo ng Fontana Resorts and Casino.
Nangyari umano ang paghingi ni Argosino noong November 26 makaraan ang pulong nina Sombero at Justice Sec. Vitaliano Aguirre II.
Naganap ang nasabing pulong sa isang hotel sa Ortigas Center kung saan ay kasama ang Chinese gambling tycoon na si Jack Lam at ang mag interpreters na sina Alex Yu at Norman Ng.
Pag-alis ni Aguirre ay nag-alok umano ng tulong si Argosino kapalit ng P100 Million.
Sinabi ni Sombero na hindi sila pumayag dahil ganoon din umano ang kanilang gagastusin kapag naglagak sila ng piyansa para sa mga Chinese workers.
Ipinaliwanag ni Sombero na sa 1,316 na mga inaresto, 800 sa mga ito ang may kaukulang mga dokumento tulad ng working visas.
Kinausap din umano ni Argosino ang mga interpreter ni Lam para sa anya’y “goodwill money” na inihihirit ng dating Immigration official.
Sinabi ni Sombero na tumawag sa China ang mga interpreter ni Lam para kausapin ang kanilang mga business partners doon ng sabihin ng negosyante na hindi niya kayang maglabas ng ganoon kalaking halaga.
Pumayag ang mga business partners sa China ni Jack Lam na magbigay ng pera kay Argosino bilang piyansa at sila ay tumawad na P50 Million muna ang kanilang ibibgay sa kausap na opisyal.
Tumanggi si Sombero na tawaging “suhol” ang nasabing pera at ito ay kanyang tinawag na pambayad kapalit ng kalayaan ng mga inarestong Chinese workers.
Nilinaw rin ni Sombero na hindi siya ang nag-withdraw ng pera mula sa City of Dreams kundi ang kanyang mga kasamahan na kinilala lamang niya sa mga pangalang “Martin” at “Garfield”.