Alegasyong may P2.4B bank transactions si Pangulong Duterte, binuhay ni Sen. Trillanes
Aabot umano sa P2.4 billion ang halaga ng bank transactions ni Pangulong Rodrigo Duterte ayon sa kaniyang kritiko na si Senator Antonio Trillanes IV.
Namahagi pa si Trillanes sa media ng kopya ng mga bank transactions umano ni Duterte na aniya’y sangkot ang aabot sa labingpitong accounts ng pangulo sa tatlong mga banko – dalawa sa Metro Manila at isa sa Davao.
Sa nasabing mga dokumento, mula 2006 hanggang 2015, nakasaad na si Pangulong Duterte at anak niyang si Mayor Sara Duterte ay mayroong pitong joint accounts sa Bank of the Philippines Islands (BPI) sa Julia Vargas Avenue sa Pasig City, siyam na joint accounts sa BPI Edsa Greenhills branch at isang joint account sa Banco de Oro Unibank – 1 sa Davao City.
Sa BPI Julia Vargas, nakasaad sa dokumento na ang mag-amang Duterte ay mayroong total deposits at transfers ng aabot sa P1.74 billion. Mayroong total deposits na P667.24 million sa BPI Edsa Greenhills at P534,989 naman sa BDO-Unibank.
Ipinakita din sa dokumento na noong March 28, 2014 na 69th birthday ni Pangulong Duterte, mayroong pitong transactions sa BPI Julia Vargas account na nagkakahalaga ng P193.71 million na deposito.
“Kung corrupt siya nung mayor siya, ano pa ngayong pangulo na siya? Kaya nga wala siyang programa tungkol sa korapsyon!,” ani Trillanes.
Muli ding inulit ni Trillanes ang hamon niya sa pangulo na patunayang mali ang isinasaad ng mga dokumento.
Kung kaya aniya ni Pangulong Duterte na patunayang hindi totoo ang nasabing mga halaga, sinabi ni Trillanes na magbibitiw agad siya sa pwesto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.