Ayon kay PCSO general manager Alexander Balutan, nang buksan nila ang bidding para sa mga gustong mag-operate ng STL, 224 ang nag-apply pero matapos ang pagbusisi sa mga ito, 56 lamang ang nakapasa.
Ang nasabing 56 ang kwalipikado ngayon at authorized na mag-operate ng STL sa buong bansa.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Balutan na mahigpit nilang tututukan ang operasyon ng 56 na STL operators upang matiyak na tama ang ini-ingreso nilang kita sa gobyerno.
Dati kasi ay talamak ang under reporting ng mga STL operator at nagre-remit lamang sila ng P400 million sa pamahalaan kada buwan.
Pero mula nang magsagawa ng crackdown ang PCSO sa mga ilegal na operators ng STL, umabot sa P910 million kada buwan ang naireremit sa pamahalaan.
Sinabi n Balutan na binalaan din nila ang mga qualified STL operators na huwag nang tangkaing mag-operate pa ng ilegal gambling.
“Ang bilin namin sa kanila lahat ng ilegal nyo gawin niyo nang legal. STL lang ang only legal number game sa bansa,” ayon kay Balutan.
Sunod na target ng PCSO ang mahikayat ang publiko na tangkilikin ang STL, gamit ang slogan na “Bawat Taya ay Para sa Kawang-gawa”.
Sa bat P10 taya kasi aniya, P3 ay napupunta sa charity o pagtulong sa mga mangangailangan.