Kontrobersyal na security adviser ni Trump, nag-resign

 

Hindi pa man umaabot ng isang buwan sa panunungkulan, nagbitiw na sa pwesto ang kontrobersyal na security adviser ni US President Donald Trump.

Ginawa ni Michael Flynn ang nasabing hakbang matapos ilahad ng Justice Department sa mga opisyal ng administrasyong Trump ang kwestyunableng pakikipag-ugnayan niya sa Russian ambassador to the United States.

Ayon kasi sa Justice Department, nagbigay ng mga nakalilito o hindi direktang paliwanag si Flynn tungkol sa pakikipag-usap niya sa Russian ambassador, na posibleng mauwi sa pamba-blackmail ng mga Russians.

Unang sinabi ni Flynn sa mga senior advisers ni Trump na hindi niya tinalakay ang mga sanctions sa kinatawan ng Russia noong kasagsagan ng transition.

Dahil sa inasahan ni Vice President Mike Pence ang sinabi ni Flynn, ipinagtanggol niya ang security adviser.

Ngunit kalaunan ay sinabi rin ni Flynn sa mga opisyal ng White House na posibleng may nabanggit nga siya sa ambassador na tungkol sa mga sanctions.

Sa kaniyang resignation latter, inamin ni Flynn na hindi niya sinasadyang magbigay ng hindi kumpletong impormasyon kay Pence tungkol sa mga pakikipag-usap niya sa Russian ambassador.

Humingi na aniya siya ng paumanhin kina Trump at Pence, na tinanggap din naman ng dalawa.

Sa kabila nito ay nilinaw pa rin ng White House na hindi naman intensyon ni Flynn na i-mislead si Pence, dahil posibleng hindi lang niya talaga maalala kung ano ang mga nasabi niya sa mga Russians.

Read more...