Pursigido ang palasyo ng Malakanyang na kasuhan at papanagutin ang mga nagpabaya kung kaya namatay sa sunog ang 72 manggagawa ng Kentex Manufacturing Corp. sa Valenzuela City noong Mayo a-trese.
Sa pulong balitaan sa palasyo, bagama’t hindi direktang tinukoy ni Pangulong Aquino kung sino ang dapat managot, iginiit nito na may kapabayaan ang Local Gov’t. Unit na nag-issue ng permit para makapag-operate ang Kentex sa kabila ng kakulangan nito ng Fire Safety Inspection Certificate o FSIC.
Ipinahiwatig din ni Pnoy sa mga otoridad na madaliin ang pagsasampa ng kaso sa mga may pananagutan sa insidente sa pangamba na maglaho ang mga dapat managot sa trahedya.
Kaugnay nito, inatasan na rin ng Pangulo si DILG Secretary Mar Roxas na makipagpulong sa mga LGU kung saan mayroong mga pabrika at negosyo para maiwasan na maulit ang trahedya.
Sa pagtaya ng Pangulo, mayroong aabot sa higit 300 libo mga establisimiyento sa National Capital Region pa lamang na kinakailangan silipin at inspeksyunin sa lalong madaling panahon.
Bukod dito, iginiit din ni Pangulong Aquino ang paghikayat sa publiko na agad ireport sa mga otoridad kung may napapansin silang mga violations o paglabag sa mga pinapasukang pabrika upang maiwasan ang kahalintulad na Fire Tragedy sa hinaharap. / Ruel Perez