Nanawagan ng tulong sa pamahalaan ang German national na bihag ng bandidong Abu Sayyaf group, na nagbigay na ng ultimatum para sa kaniyang buhay.
Sa video na ipinost sa social media, sinabi ng 70-anyos na si Jurgen Kantner na binigyan siya ng mga bandido ng huling pagkakataon para makahingi ng P30 milyong halaga ng ransom kapalit ng kaniyang buhay.
Itinakda ng bandidong grupo ang ultimatum para sa buhay ni Kantner hanggang February 26, alas-3:00 ng hapon, at ayon kay Kantner, pupugutan na siya ng ulo ng mga ito sakaling hindi makuha ng Abu Sayyaf ang hinihinging ransom.
Si Kantner ay dinukot ng Abu Sayyaf sa Sabah noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Kasama ni Kantner ang kaniyang asawa nang palibutan sila ng mga armadong kalalakihan, ngunit natagpuan na lang kalaunan ang kaniyang misis na isa nang bangkay.
Sa kabila ng panawagang ito ni Kantner, nanindigan si Armed Forces of the Philippines (AFP) public affairs chief Col. Edgard Arevalo na hindi magbabayad ng ransom ang pamahalaan sa mga terorista.
Nananatili aniya silang positibo na masasgip pa nila ang buhay ng nasabing German national, lalo’t patuloy pa rin ang kanilang mga operasyon laban sa Abu Sayyaf.