Matapos ipasara ang nasa 23 mga mining companies, pinakakansela naman ngayon ni Environment and Natural Resources Secretary Gina Lopez ang nasa pitumput-limang mga mining contracts sa bansa.
Ang mga naturang kontrata o Mineral Production Sharing Agreements (MPSA) ay ipinakakansela ni Lopez matapos nitong madiskubre na lahat ng mga ito ay nasa mga watershed areas.
Ayon kay Lopez, ang mga naturang kontrata ay hindi pa naman nasisimulan at karamihan sa mga ito ay nasa ‘exploration stage’ pa lamang.
Giit ni Lopez, hindi dapat magkaroon ng pagkakataon na makapagmina sa mga watershed zones dahil magiging matindi ang negatibong epektong idudulot nito sa kalikasan at buhay ng mga mamamayan.
Samantala, kinwestyon naman ng Chamber of Mines of the Philippines (COMP) ang pinakahuling hakbang na ito ni Lopez.
Giit ng grupo, mistulang hindi na sumusunod sa ‘due process’ ang Kalihim at mistulang binabalewala na rin ang kahalagahan ng mga kontrata.
Ayon kay Atty. Ronald Recidoro, abugado ng COMP, ang mga kontrata aniya ay mga pirmado ng kasunduan sa pagitan ng gobyerno at mga mining companies kaya’t hindi ito basta-basta na lamang kinakansela nang walang konkretong batayan.
Sa ilalim aniya ng Mining Law, pinahihintulutan ang pagmimina sa mga watershed areas maliban na lamang sa mga lugar na idinelarang ‘protected areas’ ng gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.