Tangkang pagpasok sa bansa ng miyembro ng al Qaeda, naharang ng BI

NAIA Terminal 2 | File Photo
NAIA Terminal 2 | File Photo

Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang hinihinalang miyembro ng al Qaeda terrorist group na nagtangkang pumasok sa bansa.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang suspek na si Muhammad Arif, 43 anyos at isang Pakistani.

Si Arif ay naharang nang siya ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 mula sa Bangkok.

Ani Morente, pinasakay ulit si Arif ng eroplano pabalik sa kaniyang port of origin matapos na lumabas sa database ng BI na siya ay kabilang sa mga blacklisted alien at pinaghihinalaang terorista.

Hindi rin umano matukoy ni Arif kung ano ang dahilan ng kaniyang pagtungo sa bansa at mga lugar na kaniyang pupuntahan.

Nang iprisinta ni Arif ang kaniyang pasaporte sa immigration, lumitaw ang pangalan nito sa database ng Interpol sa “al Qaeda sanction list” of individuals.

Subject din si Arif ng blacklist order na inilabas ni dating Immigration chief Ricardo David Jr. noong September 2011 dahil sa pagiging miyembro umano ng al Qaeda.

 

Read more...