Senator De Lima, nag-empake na, handa nang magpaaresto

Kuha ni Jan Escosio
Kuha ni Jan Escosio

Sinabi ni Senator Leila De Lima na hindi siya papalag sa sandaling silbihan siya ng warrant of arrest.

Ngunit ayon kay De Lima umaasa naman siya na sa ligtas na detention facility siya ikukulong sa pangamba na baka maging biktima rin siya ng extra judicial killing.

Ayon kay De Lima, napaayos na niya sa kaniyang mga staff ang kaniyang mga gamit, nakapag-empake na ng mga damit at nakausap na niya ang kaniyang pamilya sa posibilidad na siya ay ipakulong.

Paliwanag pa ng senador, magkakaugnay ang mga reklamo sa kaniya hinggil sa bilibid drug operation kaya’t hindi maaring paghihiwalayin ang pagsasampa.

Ani De Lima, kung igigiit ng Department of Justice (DOJ) ang separate filing sa kaniyang mga kaso, ay maling aplikasyon ito ng batas at masasabing malisyosong prosekusyon at political harassment.

Binanggit pa nito na may nakabinbin siyang dalawang petisyon  sa Court of Appeals at dalawang petisyon para sa pagpapalabas ng temporary restraining order ngunit pawang wala pang aksyon.

Giit naman ni De Lima, may tiwala naman siya sa mga korte lalo na sa Korte Suprema at dudulog siya dito sakaling sa trial court isasampa ang ilan sa kaniyang mga kaso.

Samantala, ngayong araw ng mga puso ay binisita siya ng isang grupo ng mga kababaihan kasama sina dating Civil Service Commission Karina Constantino David at dating Social Welfare Sec. Dinky Soliman.

Binigyan nila ng mga rosas si De Lima at may bitbit din silang mga laruang posas na simbolo ng kanilang pagkondena sa ginagawang panggigipit sa senadora./Jan Escosio

 

Read more...