PAGCOR kakasuhan ng Kamara sa pinasok na kwestyunableng kontrata sa kumpanyang Vanderwood

By Isa Avendaño-Umali February 14, 2017 - 12:29 PM

Kuha ni Isa Umali
Kuha ni Isa Umali

Ikinakasa na ng liderato ng kamara ang pagsampa ng kaso laban sa mga dating opisyal ng Pagcor at Vanderwood Management Corporation kaugnay sa mga nabuking kwestyunableng kontrata ng dalawang panig.

Kinumpirma ito ni House Speaker Pantaleon Alvarez, na dumalo at nanermon sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability.

Ayon kay Alvarez, handa silang maging complainant kapag isinampa sa Office of the Ombudsman ang kaso laban kina dating PAGCOR Chairman Cristino Naguiat at mga opisyal ng Vanderwood.

Posible ring madamay si DOTr Usec. Raoul Creencia na dating Government Corporate Counsel na nagbigay ng legal opinion pabor sa Pagcor-Vanderwood contract.

Matatandaang ang Volunteers Against Crime and Corruption o VACC ay naghain na noon ng reklamong plunder sa Department of Justice o DOJ kaugnay ng kontratang ito.

Giit ni Alvarez, hindi katanggap-tanggap ang kontrata at hindi niya maisip kung bakit pumayag sina Naguiat na mag-advance na ng 234 million pesos sa isang pasilidad na ni-hindi pa naitatayo.

Ito aniya ay mistulang pag-upa sa hangin at pag-aaksaya ng salapi ng gobyerno sa upa sa Vanderwood na 13 million pesos kada buwan.

Nagtataka rin si Alvarez na nakipag-kontrata ang Pagcor sa Vanderwood para sa pasilidad na itatayo pa lamang sa compound ng Museo ng Maynila, kahit umuupa lamang sa Oceanville Hotel and Spa na siya namang umuupa sa lungsod ng Maynila.

Si House Majority Leader Rodolfo Farinas ay hindi rin makapaniwala sa Pagcor-Vanderwood contract na aniya’y umuusok na sa simula pa lamang dahil sa sinuswerteng iilan.

Nahaharap naman sa warrant of arrest ang mga opisyal ng Oceanville Hotel and Spa dahil sa kabiguang magpakita sa pagdinig ng Kamara ngayong araw.

TAGS: contract, pagcor, Vanderwood, contract, pagcor, Vanderwood

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.