“HIV, AIDS dapat pagtuunan din ng gobyerno” sa OFF CAM ni Arlyn Dela Cruz
HINDI lang basta balitang dapat na magdaan sa tenga o pandinig ng lahat ang pag-amin ng Department of Health na may mga blood donors na positive pala sa HIV at AIDS.
Ang totoo, silip lamang ito sa tunay na sitwasyon nang paglaganap ng HIV at AIDS sa Pilipinas.
Hindi ako otoridad sa usaping ito, ngunit dahil sa paggawa ko ng pelikulang “Pusit”, salitang gamit ng mga nasa LGBT community para patungkulan ang pagiging positibo sa HIV at AIDS, marami akong nalaman sa pagsasaliksik at panayam sa mga may ganitong kundisyon. Kabilang din sa mga nakapanayam ko ay mga manggagamot na ito ang mga tinututukang kaso.
Hayaan ninyong ibahagi ko ang ilang kuwento at impormasyong nalaman ko sa pagsasaliksik.
Una, yung mas matapang na strain ng HIV na maaaring matuloy sa AIDS, nakarating na sa Pilipinas, ayon na rin sa isang AIDS patient na labas-masok sa San Lazaro hospital.
Noong nakilala ko siya, HIV positive pa lang siya. In just six months, nasa ospital na naman siya uli at full blown AIDS case na siya batay sa pagsusuri.
Siya ay gay, dating nagtatrabaho sa call center, listener at follower namin sa programang Banner Story sa Radyo Inquirer 990 at Inquirer 990 TV.
Sa kanya ko rin nalaman na dahil sa nakaaalarmang pagtaas ng mga may kaso ng HIV at AIDS, isang malaking telecommunications firm ang nagsagawa ng isang dedicated project sa pamamagitan ng kanilang Human Resources Division.
Habang nasa ospital ng San Lazaro, nakasama ng aking nakapanayam ang isang empleyado ng telecommunications company na ito. Naroon siya sa San Lazaro nang mamatay ang naturang empleyado na aniya ay nasa mahigit 20 ang edad. Late ‘20s, halos kasisimula pa lamang ng buhay, ngunit agad na tinapos ng isang tunay na traydor na virus.
Kung nakababahala na ang kasong una kong nabanggit, paano pa itong nasa 15-anyo pa lang na AIDS patient na sinilaban ng kanyang sariling ama nang malamang positive ito hindi lang sa HIV kundi full blown AIDS na?
Nangyari ang kasong ito sa Tondo. Paano nakuha ng bagets ang AIDS? Nahumaling sa DOTA, nangailangan ng pera, nakipagtalik sa kapwa lalaki na may panustos ng pera, ayun siya ay nahawa.
Nasaan na ang nanghawa sa kanya? Patay na. Iyon din ba ang kasasapitan ng bagets? Puwedeng oo; agad-agad; pwede ring hindi, lalo na kung maaalagaan nang pantulong sa pagpapalakas ng immune system ng taong may taglay na HIV o AIDS.
Huwag akalaing puro lalaki o gay, o transgender lamang ang nagkakaroon ng HIV at AIDS. Matagal nang may mga kaso ng mga babaeng may HIV at AIDS.
Baka lang nalilimutan na, nalaman ko rin ang isang kaso ng AIDS patient na babae ang pasyente. Hindi siya nasa pagbebenta nang panandaliang aliw, hindi iyon ang trabaho niya.
Sa katunayan, galing siya sa may kayang pamilya, maganda ang trabaho, ngunit nalulong sa bawal na gamot, party-drugs , na ang kakambal ay ang pagnanasang makipagtalik. Hindi siya namili, kahit sino, kahit saan, basta may pagkakataon. Noong nakaraang taon, malubha na ang kanyang kalagayan. Kung ano na ang nangyari sa kanya ngayon, wala na akong balita.
Sa San Lazaro, may bahagi rin doon para sa mga sanggol na may HIV na, isinilang ng mga inang may HIV na sa pagbubuntis pa lamang.
At kung inaakala ninyong ang profile ng mga nagkakaroon ng HIV at AIDS ay mga nasa working class lamang o sa hanay ng mga mahihirap? Nagkakamali kayo. Wala itong pinipili at wala itong sukatan ng estado sa buhay.
Sa dami ng mga pag-aaral, mga programa, mga grupo na nagbabantay o nakatutok sa problema sa HIV at AIDS sa buong mundo kasama na ang sa Pilipinas, ang inaasahan sana ay ang pagbaba ng mga kaso o pasyente. Ngunit, may pagtaas, mabilis na pagtaas ng bilang lalo na sa Pilipinas.
Kung ang problema sa ilegal na droga ay itinuring na ngayong national security threat, ano ang dapat na gamiting paraan para ang pagtugon ng pamahalaan o kaukulang ahensiya ng pamahalaan sa suliraning ito ay maging kasing bilis at tapang din nang natukoy na bagong strain ng virus na nagdudulot ng HIV at AIDS?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.