PNP may Valentine’s Day safety tips; namigay din ng bulaklak at candies sa mga working mom
Namahagi ng Valentine’s Day safety tips ang Philippine National Police (PNP) – Police Community Relations Group (PCRG) sa publiko ngayong araw ng mga puso.
Ang sumusunod na safety tips ay nasa loob ng isang kulay pulang card na may disenyong puso:
Una, huwag ianunsyo ang plano sa social media. Huwag ilahad kung saan nagpa-reserve ng dinner, manonood ng sine, at iba pa na tila ba inihahayag na mawawalan ng tao sa inyong tahanan sa mga oras na kayo ay nasa labas at nakikipag-date.
Ikalawa, huwag agad i-post ang mga larawan. Ayon sa PNP, pwede namang gawin ang pag-post pagkatapos na lamang ng date.
Ikatlo, mag-iwan ng bukas na ilaw sa bahay. Para hindi isipin ng mga masasamang loob na walang tao sa bahay, dapat mag-iwan ng ilaw na nakabukas.
Ikaapat, huwag magdala ng maraming pera. Ayon sa PNP mabuting magdala lamang ng eksaktong pera na pang-date at iwasan din magsuot ng mamahaling mga alahas.
Ikalima, isara ang lahat ng pintuan at bintana. Kung magde-date mamayang gabi, tiyaking sarado o nakalock ang lahat ng pintuan at bintana sa bahay.
Ikaanim, ingatan ang mga gamit. Ang mga bag gaya ng backpack, sling bag, purse at iba pa ay dapat laging nasa inyong harapan upang makaiwas sa mandurukot.
Ikapito, umiwas sa madidilim na lugar. Kung maglalakad-lakad kasama ang ka-date, gawin ito sa maliwanag na lugar at huwag sa madilim at kakaunti ang tao.
Ikawalo, ilayo ang mga flammable objects sa apoy. Kung gagamit ng kandila para sa romantic dinner, huwag ilapit dito ang mga bagay na mabilis magliyab para makaiwas sa sunog.
Ikasiyam, pabantayan ang bahay sa mapagkakatiwalaan. Kung out of town naman ang gimik ngayong Valentine’s day, maghanap ng mapagkakatiwalaang kaibigan, kapitbahay o kaanak na maaring magbantay sa inyong bahay.
At pangsampu, patayin ang oven, kandila at iba pang maaring pagmulan ng sunog. Huwag iiwanan ang mga ginamit na kandila para sa dinner na nakasindi.
Kaakibat ng pamamahagi ng nasabing safety tips, namigay din ng bulaklak at candy ang PNP sa mga dumaraang working moms sa harap ng PNP Camp Crame at maging sa kalapit na MRT Santolan station.
Mga working mothers at mga kababaihan nakatanggap nang flower candy at V Day safety tips sa PNP PCRG @dzIQ990 pic.twitter.com/w349eclSK4
— ruel perez (@iamruelperez) February 13, 2017
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.