Dose-dosenang mga residente ng Barangay Napnapan sa Palimbang, Sultan Kudarat ang lumikas sa kanilang mga tahanan matapos biglang lumusob ang mga miyembro ng Moro Islamic Libreation Front (MILF) 105th Base Command kagabi.
Ayon sa hepe ng pulis sa Palimbang na si S/Insp. Romeo Calamba, hinahagilap marahil ng mga miyembro ng MILF ang grupo ni Brian Binago na sinasabing nasa likod ng pagkamatay ng isang 8-anyos na batang lalaki.
Tinamaan ng ligaw na bala ang batang kinilalang si Niknik Andi habang inatake ng pamamaril ng grupo ni Binago si Kadil Kongo sa Barangay Kanipaan, na kalaunan ay napag-alaman na miyembro rin ng 105th Base Command.
Ayon kay Maguindanao crown prince Datu Mama Mastura na isa ring residente ng Napnapan, ang kaniyang kapatid na si Maguindanao Sultan Salem Abdulaziz Guiwan Mastura Kudarat V ay nagpadala na ng kaniyang mga tauhan para pigilan na ang paglala ng sitwasyon.
Nagkaroon aniya kasi ng bakbakan ang nasabing grupo na sumugod at ang ilang armadong kalalakihan na nakaharap ng mga ito na ikinasugat o ikinamatay ng ilang miyembro ng magkabilang panig.
Ipinadala naman ni Mayor Abubakar Pendatun Maulana si Commander Zulkarnain Diok Maulana ng MILF para pahupain na ang gulo sa pagitan ng mga nagba-bangayan na grupo.
Itinanggi naman ng MILF na may kinalaman ang kanilang organisasyon sa nasabing gulo, bagkus ay tumutulong pa anila sila sa pag-aayos ng sitwasyon./Kathleen Betina Aenlle
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.