Umabot na sa P735 milyon ang halaga ng pinsala ng malakas na magnitude 6.7 na lindol sa Surigao del Norte noong Biyernes.
Ang nasabing halaga ay mula sa pinagsama-samang datos sa Surigao del Norte ay Surigao City.
Ayon kay Office of the Civil Defense Caraga Regional Director Rosauro Arnel Gonzales Jr., kabilang sa nagtamo ng pinakamalaking halaga ng pinsala ang mga nawasak na kalsada at tulay na umabot sa P218 milyon.
Umabot naman sa P150 milyon ang halaga ng pinsala sa mga paaralan.
Ayon kay Gonzales, maari pang tumaas ang datos sa mga susunod na araw dahil patuloy pa ang ginagawa nilang pangangalap sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Dahil hindi pa rin normal ang suplay ng tubig, patuloy ang pamamahagi ng bottled water ng Department of Health at ng Department of Social Welfare and Development.
Nananatili sa walo ang kumpirmadong bilang ng nasawi, habang mayroong labinganim pang sugatan ang nasa CARAGA Regional Hospital at Surigao del Norte Provincial Hospital.