Daan-daang mga undocumented migrants sa US, pinagdadampot
Daan-daang mga dayuhang iligal na namamalagi sa Amerika ang inaresto ng mga otoridad sa kauna-unahang malawakang ‘crackdown’ kontra sa mga undocumented migrants sa ilalim ng administrasyong Trump.
Sabay-sabay na operasyon ang isinagawa ng federal Immigration and Customs Enforcement (ICE) agency sa mga undocumented aliens sa lugar ng Atlanta, Austin, Chicago, Los Angeles New York at iba pang mga syudad niong nakalipas na mga araw.
Naganap ang mga pag-aresto dalawang linggo matapos lagdaan ni President Trump ang executive order na nagpapalawak sa pagtukoy kung sinu-sinong mga undocumented migrants ang agarang isasalang sa deportasyon.
Ayon kay David Marin, pinuno ng removal operations ng ICE sa Los Angeles, umaabot sa 160 katao ang kanilang naaresto sa LA metropolis pa lamang.
Nasa 120 sa mga ito aniya ay may mga felony conviction samantalang ang iba ay dinakip dahil sa kawalan ng kaukulang mga legal na dokumento upang manatili sa Amerika.
Sa kabila nito, iginiit ng tagpagsalita ng ICE na bahagi lamang ng kanilang regular na operasyon ang nagaganap na mga pag-aresto sa mga undocumented migrants sa US.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.