NDRRMC, nanawagan ng tulong sa mga inhinyero para sa damage assessment sa Surigao del Norte
Nananawagan ngayon ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng tulong mula sa mga inhinyerong nasa private practice para sa pag-assess ng mga imprastraturang napinsala ng magnitude 6.7 na lindol sa Surigao del Norte.
Ayon kay NDRRMC spokesperson Romina Marasigan, kailangan sana nila ng mga dagdag na civil at structural engineers para sa pag-assess ng structural integrity ng mga gusali at kalsadang naapektuhan ng lindol.
Ito aniya ay para sana mapabilis ang prosesong kanilang ginagawa, katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH), upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.
Ilang mga gusali tulad ng paaralan, ospital at mga kabahayan kasi sa Surigao del Norte ang nasira dahil sa naturang lindol na tumama sa Surigao City noong Biyernes ng gabi.
May ginagawa naman na aniyang assessment ang DPWH, ngunit kailangan pa rin nila ng volunteers para mapabilis na ito.
Ayon pa kay Marasigan, kinansela na ang klase sa mga paaralan sa Surigao City upang masuri muna ng mga otoridad ang structural integrity ng mga gusali bago bumalik ang mga estudyante.
Paliwanag ni Marasigan, kung may mga makikitang bitak sa mga gusali ng paaralan dahil sa lindol, kailangan nilang alamin kung gaano ito kalalim at kung gaano ito ka-delikado.
Aniya, para sa mga may panahon at interesadong volunteers, maari silang pumunta sa main office ng NDRRMC, o kaya mag-iwan ng mensahe sa kanilang social media accounts.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.