P875,000 halaga ng shabu, nasabat sa Koronadal City

 

Halos P1 milyong halaga ng shabu at mga granada ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kanilang ant-illegal drugs operations na isinagawa sa Koronadal City sa South Cotabato.

Ayon kay Kath Abad ng PDEA Region 12, tatlo katao ang naaresto ng mga otoridad sa magkakahiwalay na operasyon sa Brgy. Gen. Paulino Santos at Brgy. Zone 1.

Sinalakay ng mga ahente ng PDEA ang bahay ni Franklin Biñas alyas “Kano” sa Purok Tagumpay, Brgy. Gen. Paulino Santos,Linggo ng umaga.

Bitbit ang mga search warrants, hinalughog ng mga PDEA agents ang bahay ni Biñas, kung saan natagpuan nila ang dalawang granada, limang sachet ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P500,000 at mga drug paraphernalia.

Katwiran ni Biñas sa mga otoridad, kailangan niya ng pera para pampagamot sa sakit siyang diabetes.

Noong Sabado naman ng umaga, isang lalaki at kaniyang live-in partner naman ang naaresto sa buy-bust operation sa isang bahay sa kanto ng Aurora at Osmeña Streets sa naturang lungsod.

Nakilala ang mga suspek na sina Ricky Nambong at Kaith Fradeza, at nahulihan sila ng malaking sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P375,000, pati na isang digital weighing scale at mga drug paraphernalia.

Sa ngayon ay nakakulong ang tatlo sa piitan ng General Santos City dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at illegal possession of explosives.

Read more...