Nanindigan ang Simbahang Katoliko na hindi sila titigil sa pag-batikos sa panukalang muling pagpapatupad ng parusang bitay sa bansa.
Ito’y kahit pa pinupuna na sila ng mga pulitiko dahil sa umano’y pangingialam nila sa mga isyu sa bansa.
Ayon sa dating pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na si Lingayen-Dagupan Bishop Emeritus Oscar Cruz, magpapatuloy pa rin ang pagtuturo nila sa kahalagahan ng buhay.
Ito ang naging tugon ni Cruz sa pagtawag ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa mga obispo bilang “bunch of shameless hypocrites” matapos maglabas ang Simbahan ng pahayag laban sa mga pagpatay sa kasagsagan ng drug war ng pamahalaan.
Sa kabila nito, sinabi ni Cruz na hindi siya napikon kay Alvarez, bagkus ay nauunawaan niya ang mambabatas.
Gayunman, iginiit naman niya na bilang isang alagad ng Diyos, mahirap manahimik dahil pangalan ng Diyos na ang sinusuway sa isyung ito.
Pinayuhan niya rin si Alvarez na huwag magpaka-Diyos, matapos nitong bantaan ang mga kasamahan sa supermajority sa Kamara na tatanggalan ng pusisyon o ng komite kung kokontra sila sa death penalty bill.
“Kung minsan, public officials, they should be public servants, hindi they became like ‘public lords and public Gods’ nakakahiya,” dagdag pa ni Cruz.