State of emergency, idineklara na sa Surigao City
Isinailalim na sa state of emergency ang Surigao City kasunod ng pagtama ng magnitude 6.7 na lindol na kumitil sa buhay ng anim na tao at sumira sa ilang kalsada at gusali.
Bukod sa mga nasawi, mahigit isandaan ang sugatan at inilikas sa pagyanig na naganap noong gabi ng Biyernes.
Ayon kay Surigao City Ernesto Matugas, ang pagdedeklara ng state of emergency sa lungsod ay magiging daan para mas mapabilis ang pagpapalabas ng disaster funds para sa mga biktima ng lindol.
Hanggang ngayon aniya ay hindi pa rin mabatid ang kabuuang bilang ng mga biktima ng kalamidad.
Kasabay nito, tiniyak ni Presidential spokesperson Ernesto Abella sa mga naapektuhan ng lindol na nakahanda na ang gobyerno na magpaabot ng tulong para sa kanila.
Pasado alas diyes ng gabi ng Biyernes nang tamaan ng 6.7 magnitude na lindol ang Surigao City.
Dahil dito, daan daan pamilya ang lumikas sa kani-kanilang mga tirahan at sa takot na magkaroon ng tsunami ay lumapit ang mga ito sa mas mataas na lugar.
Dahil din sa lakas ng pagyanig, ilang mga tulay sa lungsod ang nasira kabilang na Anao-aon Bridge sa San Francisco, Surigao del Norte.
Nagdulot din ang malakas na lindol ng malalaking crack sa runway ng Surigao City Airport dahilan para pansamantala itong isara at i-divert ang mga incoming flights sa Butuan City sa Bukidnon.
Dahil naman sa mataas na bilang ng mga nasugatan, idineklara na ang “code blue” alert sa lahat ng ospital sa lungsod kung saan obligadong pumasok ang hindi bababa sa limampung porsyento ng hospital staff.
Ang pagyanig na ang epicenter ay namataan sa 16 kilometers northwest ng Surigao City at may lalim na 10 km ay ang pinakamalakas na lindol na tumama sa lungsod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.