Mga gusali ng gobyerno sa Surigao Del Norte pansamantalang sarado dahil sa lindol
Nagpapasaklolo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) si Surigao Del Norte Gov. Sol Matugas.
Ipinaliwanag ng opisyal na importanteng ma-inspeksyon muna ng mga engineers ng DPWH ang mga gusali sa kanilang lalawigan lalo na ang mga tanggapan ng pamahalaan.
Malalagay umano sa panganib ang buhay ng mga tauhan ng pamahalaan kung hindi matitiyak ang structural integrity ng mga gusali doon makalipas ang magnitude 6.7 na lindol kagabi.
Ipinag-utos rin ng opisyal ang pansamantalang pagsasara ng ilang mga tulay sa Surigao City habang isinasa-ilalim ang mga ito sa pagsusuri ng mga tauhan ng provincial engineering office.
Sinabi rin ni Matugas na nagkusa nang magsara muna ang ilang mga pribadong gusali tulad ng mga shopping malls habang iniinspeksyon ang kanilang mga establishemento.
Sa pinakahuling tala ng tanggapan ni Matugas ay umaabot na sa apat ang patay na kinilalang sina Roberto Eludo Jr, JM Ariar, Lito Wilson at Lorenzo De Guinio.
Unti-unti na rin daw na naibabalika ng supply ng kuryente sa mga lugar na niyanig ng lindol kagabi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.